Kate Dayawan | iNEWS | December 13, 2021

Photo courtesy : PRO BAR
Cotabato City, Philippines - Inaresto at ikinulong ang isang nagngangalang Amir na residente ng Barangay Kalanganan II, Cotabato City matapos na mahuli sa inilunsad na buy-bust operation ng PNP Drug Enforcement Group, Regional Special Operations Group PDEU BAR at Sultan Kudarat Maguindanao Municipal Police Station sa Sitio Oman, Barangay Crossing Simuay, Sultan Kudarat, Maguindanao noong Sabado, December 11.
Nakumpiska mula sa suspek ang 200 grams ng hinihinalang shabu na may estimated market value na Php1,360,000 pesos.
Bukod dito ay nakumpiska rin sa posesyon nito ang tatlong bundle ng photocopied One Thousand Peso bill na ginamit bilang buy-bust o boodle money, cellphone, motorsiklo at iba't ibang identification cards ng suspek.
Mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek na nakapiit na ngayon sa Sultan Kudarat MPS habang ang mga nakumpiskang ebidensya ay nasa kustodiya ng Special Operating Unit BAR, PDEG para sa dokumentasyon at proper disposition.
Pinuri naman ni PBGen. Eden Ugale, Regional Director ng Police Regional Office BAR, ang operating troops sa tagumpay na ito at sa patuloy na pagpapakita ng kahusayan sa anti-illegal drug campaign.
Ang tagumpay na ito ay patunay umano na determinado ng PRO BAR sa pagtugis sa mga kriminal at sindikato ng iligal na droga.
Muli ring ipinapaalala ng heneral na magiging agresibo at determinado ang PRO BAR na tapusin ang bentahan ng iligal na droga sa buong rehiyon ng Bangsamoro.