1 patay, 10 BFP-BARMM personnel sugatan ng mahulog sa bangin ang sinasakyan sa Alamada North Cot

Kate Dayawan | iNEWS | November 17, 2021

Photo courtesy : BFP RXII Libungan


Cotabato City, Philippines - Nagpapatuloy pa rin ang ginagawang imbestigasyon ng Alamada PNP sa naganap na aksidente kagabi sa Barangay Barangiran, Alamada, North Cotabato.


Ito'y matapos na mahulog sa bangin ang sinasakyang hazmat transport vehicle ng miyembro ng Bureau of Fire Protection - BARMM kasama ang dalawang kawani ng Commission on Audit - BARMM.


Dahil sa malagim na insidente, hindi na pinalad pang makauwi sa kanyang pamilya ang abogado ng COA-BARMM na si Atty. Minerva Guiling, CPA habang nagpapagaling naman sa pagamutan ang sampung miyembro ng BFP-BARMM na sugatan sa nasabing insidente.


Maswerte naman umanong walang nangyare sa tatlong iba pa na kasama ng mga biktima.


Base sa inisyal na imbestigasyon ng Alamada PNP, sinasabing nagmula umano sa Tugaya Fire Station sa lalawigan ng Lanao del Sur ang mga biktima matapos magsagawa ng ORSITE o Operational Readiness Site Inspection and Troupe Evaluation at papauwi na sana ng Cotabato City nang mawalan ng preno ang sinasakyan ng mga ito sanhi upang mahulog ito sa bangin.


Sa ngayon ay wala pang inilalabas na pangalan ng mga sugatang biktima ang otoridad.


Bumuhos naman ang pakikiramay sa pamilya ng nasawing abogado.

113 views