top of page

11 indibidwal, arestado nang maaktuhang nagbebenta ng iligal na droga sa Bongao, Tawi-Tawi

Kate Dayawan | iMINDS Phils | February 17, 2022

Photo courtesy: PNP PRO BAR


Cotabato City, Philippines - Dahil sa agarang aksyon ng Bongao Municipal Police Station, nasakote ang labing isang lalaki na naaktuhang nagbebenta ng iligal na droga sa Barangay Simandagit, Bongao, Tawi-Tawi.


Sa report mula sa PNP, nagsasagawa umano ng mobile patrol ang mga kapulisan ng Bongao MPS nang makatanggap ng report ang himpilan mula sa isang concerned citizen na di umano’y may nagaganap na drug peddling sa Barangay Simandagit.


Agad na tumungo sa lugar ang PNP at nahuli na kinilala sa pangalang Ibno, Ameer-Khan, Aladin, Hadzmier, Markniel, Radzbar, Shalimar, Omar-Hakim, Arquizar, Nadzmil at Al-Shaien.


Karamihan sa mga suspek ay dise otso at dise nuwebe anyos pa lamang.


Nakumpiska mula sa posesyon ng mga ito ang 30 pakete ng hinihinalang shabu na may timbang na 1.3 grams at may estimated market value na 8,840 pesos.


Nakapiit na ngayon sa Bongao MPS ang mga suspek na nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.


End.

11 views
bottom of page