Kael Palapar

SULU — Sa pamamagitan ng isang bike event, tinungo ni Maj. Gen. Ignatius Patrimonio, Commander ng 11th Infantry Division at Joint Task Force Sulu, ang kanyang mga subordinate units upang personal na tingnan ang kahandaan at masuri ang mga plano nito sa seguridad ngayong darating na halalan.
Kasabay ang 38 iba pang military bikers, pinangunahan mismo ni MGen. Patrimonio ang paglunsad ng bike event, Araw ng Sabado, April 30, na tinawag na Safe, Accurate at Free Election o SAFE 2022 Biking upang personal na masusing pangasiwaan ang election preparations ng buong pwersa ng gobyerno sa Sulu.
Ayon kay Patrimonio, bukod sa physical benefits ng pagbibisikleta, ito rin umano ay paraan nila ng information campaign para sa maayos at mapayapang pagsasagawa ng eleksyon sa probinsya ng Sulu ngayong darating na Mayo a nuebe.

"Habang ginagawa natin ang inspeksyon sa lugar, binibigyang-diin din natin ang pagsisikap ng pamahalaan ng isang Secure, Accurate, Free, and Fair Election (SAFE) 2022 sa pamamagitan ng pagbibisikleta. sa komunidad para sa mapayapa at maayos na pagsasagawa ng halalan sa lalawigan ng Sulu," dagdag pa ni MGen. Patrimonio.
Tinahak nila ang mahigit 50 na kilometrong ruta mula sa headquarters ng JTF Sulu sa Camp Bautista sa Jolo patungong 1101st Infantry Battalion sa Sitio Bayug, Barangay Samak, sa bayan ng Talipao hanggang sa headquarters ng 4th Marine Brigade sa Barangay Tandu Batu, sa bayan ng Luuk sa Sulu.
Pinulong naman ng opisyal ang 1101st Brigade Commander Brig. Gen. Eugenio Boquio at 4th Marine Brigade Commander Col. Vincent Mark Anthony Blanco at iginiit ang patnubay ng Chief-of-Staff Armed Forces of the Philippines Gen. Andres Centino at Western Mindanao Command Commander Gen. Alfredo Rosario Jr. na manatiling non-partisan at maayos na gampanan ang mga tungkulin at responsibilidad sa halalan.
“Habang pinalalakas natin ang ating pagsisikap na neutralisahin ang natitirang mga bandido ng ASG, huwag nating kalimutan ang ating pangunahing tungkulin na protektahan ang sambayanang Pilipino at tiyakin ang kasagraduhan ng mga balota sa panahon ng halalan. Hinihimok ko kayong gawin ang inyong makakaya upang matiyak ang kaligtasan ng mga botante at mga balota," giit ni Maj. Gen. Patrimonio