Kate Dayawan | iNEWS Phils | March 31, 2022

Photo courtesy : Western Mindanao Command
Cotabato City, Philippines - Boluntaryong sumuko ang labindalawang miyembro kabilang na ang isang sub-leader at isang deputy ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters sa 40th Infantry Battalion ng Joint Task Force Central sa 40IB headquarters, Barangay Kabengi, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao umaga ng Miyerkules, March 30.
Kinilala ang sumukong sub-leader ng BIFF-Karialan faction na si Anwar Pegas at ang deputy nito na si Zukarno Sailila.
Sumuko ang mga nasabing indibidwal kasama ang sampung miyembro nito kay Lt. Col Edwin Alburo, Commanding Officer ng 40th IB.
Bitbit ng labindalawang indibidwal ang dalawang 7.62mm M14 rifle, dalawang 5.56mm M16A1, isang Carbine, dalawang cal. 50 Barret Sniper rifle, dalawang 9mm submachine gun, isang 40mm Rocket Propelled Grenade Launcher, dalawang M79 Grenade Launcher at isang 40mm high explosive RPG ammunition.
Naging mapayapa ang pagsuko ng mga miyembro ng BIFF sa tulong sa 601st Infantry Brigade, Maguindanao Police Provincial Office, Ampatuan Municipal Police Station at lokal na pamahalaan ng Ampatuan, Maguindanao.
Ayon kay MGen. Juvymax Uy, Commander ng JTFC at 6th Infantry Division, ang patuloy na pagsuko ng mga miyembro ng mga teroristang grupo ay nagpapakita ng patuloy na paghina ng mga nasabing grupo sa Central Mindanao.
Naniniwala ang heneral na malapit na mawakasan ang mga teroristang grupo na ito kabilang na ang BIFF-Karialan Faction.
Sa unang kwarter pa lamang ng taong 2022, abot na sa 97 na mga BIFF members ang sumuko sa JTF Central. Abot na rin sa 90 high-powered at low-powered firearms ang isinuko at narekober ng Joint Task Force Central.
End.