top of page

13 PATAY, 47 SUGATAN SA 46 ELECTION INCIDENTS SA BARMM

Kate Dayawan

BANGSAMORO REGION - Labing tatlong indibidwal ang namatay habang 47 iba pa ang nasugatan sa 46 na election incidents sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao noong araw ng National and Local Elections, May 9, 2022.


Pitong indibidwal ang nasawi sa Lanao del Sur habang labing lima naman ang nasugatan sa labing tatlong election incidents.


Limang katao naman ang nasawi sa Maguindanao habang labing anim ang nasugatan sa labing isang election incidents.


Isa naman ang namatay sa lalawigan ng Basilan at sampung iba pa ang nasugatan sa limang magkakahiwalay na insidente na naganap sa kasagsagan ng eleksyon.


Apat na indibidwal anman ang nasaktan sa limang election incidents na naitala sa Cotabato City.


Isa ang nasaktan sa insidenteng naganap sa kasagsagan ng eleksyon sa lalawigan ng Sulu habang isang election incident naman ang naganap sa probinsya ng Tawi-Tawi kung saan ay maswerteng walang nasugatan.


Ang mga insidenteng ito ay naganap kahit pa nagdeploy nan g 6,467 na PNP personnel sa buong lalawigan at lungsod na sakop ng BARMM kung saan ay 200 daan dito ay nagmula pa sa Police Regional Office 10 at 120 personnel naman mula sa Police Regional Office 12, bukod pa ito sa 702 trained cops na nagsilbing miyembro ng Special Electoral Board of Inspectors.



Ngunit ayon kay PNP BARMM Regional Director, Police Brigadier General Arthur Cabalona, na ang bilang ng mga naganap na insidente ay mas mababa pa umano kumpara sa 93 election-related incidents na naitala sa rehiyon noong 2016 NLE.


Sinabi ni Cabalona na generally peaceful umano ang isinagawang eleksyon sa rehiyon.


Noong Huwebes, personal na ipinaabot ni Cabalona ang kanyang pagsaludo sa mga PNP personnel ng Police Regional Office BARMM. Personal rin nitong pinangunahan ang send-off ceremony ng mga police personnel na idineploy sa Cotabato City pabalik sa kanilang mga lugar kung saan sila nakadestino.


"Though there were shootings, mauling, and ballot snatching, the conduct of election in the region was assessed to be generally successful," giit ni Cabalona.


Ipinaabot rin ng PNP BARMM ang kanilang papuri sa kanilang mga naging katuwang sa pagtitiwala, suporta at kooperasyon sa kasagsagan ng panahon ng eleksyon.

24 views
bottom of page