Kate Dayawan | iNews | January 18, 2022

Courtesy: PRO-12 PUBLIC INFORMATION OFFICE
Cotabato City, Philippines- Kusang-loob na sumuko sa Criminal Investigation and Detection Group at Police Regional Office 12 ang labing apat na miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters kahapon, January 17, sa Venue 88, Barangay City Heights, General Santos City. Pinangunahan nina PMGen. Albert Ignatius at PCol. Rolando Destura, bilang kinatawan ni PBGen. Alexander Tagum, Regional Director ng PRO-12, ang isinagawang programa kung iprinisenta ni PLtCol Rogelio Pineda Jr. at PLtCol. Santi Noel Matira ang 14 na BIFF members sa ilalim ng Karialan Faction. Ang mga sumukong indibidwal ay nag-ooperate umano sa bahagi ng Sultan Kudarat at Maguindanao sa ilalim ng pamumuno ni Commander Gani Saligan. Narekober naman ang mga armas ng mga ito sa pakikipagtulungan ng 1st Sultan Kudarat Provincial Mobile Force Company ng Sultan Kudarat Provincial Police Office. Kabilang sa mga narekober na armas ay ang anim na unit ng 7.62 Caliber Barret na may magazine, dalawang M1 Garand Rifle, isang 50 caliber Barret, isang M16 5.56 rifle, isang M79 Grenade Launcher, isang ultimax M16 rifle, tatlong improvised RPG launcher, dalawang mug bomb at isang improvised 60mm mortar. Isinasailalim na ngayon sa debriefing at processing ang 14 na indibidwal. Ang pagsuko ng mga ito ay resulta ng ilang buwang intelligence work at diplomatic efforts na naisakatuparan sa tulong ng mga opisyal ng barangay ng Sultan Sa Barongis, Maguindanao. Sumuko umano ang mga ito sa CIDG, RFU 12 sa Sultan Kudarat matapos na marinig ang pangako ng gobyerno na livelihood and amnesty programs. Sinabi naman ni PMGen. Ferro, patuloy na makikipagtulungan ang CIDG sa mga lokal na pamahalaan, AFP at iba pang ahensya ng gobyerno na makumbinsing sumuko sa gobyerno ang iba pang nalalabing miyembro ng teroristang grupo.