Kate Dayawan | iNews | iMindsPH
Cotabato city, Philippines - Isinailalim sa granular lockdown ang labing anim mula sa dalawampu’t anim na mga barangay sa bayan ng Wao, Lanao del Sur dahil sa pagtaas ng kaso ng mga natatamaan ng sakit na COVID-19 sa lugar.
Noon lamang araw ng Linggo, September 5, abot sa tatlong indibidwal ang inihatid ng mga personnel ng Bureau of Fire Protection sa huling hantungan matapos na mamatay dahil sa COVID-19.
Ayon kay Wao municipal disaster risk reduction and management officer Francis Garcia, agad na ipinalibing ang isa habang ang dalawa naman ay ipinadala sa Cagayan de Oro upang ma-cremate.
Kahapon, naglabas ng advisory ang Amai Pakpak Medical Center.
Nakasaad dito na ang mga ward at ICU para sa COVID-19 patients ay puno na dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng nasabing virus.
Nagkakaroon na rin umano ng kakulangan sa supply ng medical oxygen dahil hindi na kayang i-comply ng mga supplier ng ospital ang kinakailangan nito.
Sinabi dito na hindi na kayang tumanggap pa ng COVID-19 patients ng ospital. Ito ay upang maging prayoridad ang mga pangangailangang medical ng mga kasalukuyang nakaadmit na pasyente.
Hiling naman ng pamunuan ng APMC sa publiko na agad na sumangguni sa pinakamalapit na sa Rural Health Unit o iba pang medical facility sa lugar kung sakaling nakakaranas ng mga sintomas ng COVID-19.
Mahigpit namang pinaaalahanan ang lahat na sumunod sa mga itinakdang health protocols at preventive measure laban sa COVID-19 at dapat ay magpabakuna na.
As of 4pm, kahapon, dalawamput isa ang naitala na panibagong kaso ng COVID-19 sa lalawigan.
Sa kasalukuyan ay umaabot na sa 191 ang active cases sa lalawigan ng Lanao del Sur kung saan dalawamput dalawa dito ay mga health care workers.

Photo by: Bfp Wao Armm