Kate Dayawan | iNews | January 18, 2022

Courtesy: 6th Infantry Division
Cotabato City, Philippines - Nagbalik-loob sa gobyerno ang labing anim na miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters sa pamamagitan ng pagsisikap ng pinagsanib na pwersa ng 92nd Infantry Battalion at Regional Intelligence Unit 15, Criminal Investigation and Detection Group BARMM at Maguindanao Provincial Police Office sa Barangay Meta, Datu Unsay, Maguindanao noong Sabado, January 15.
Pito sa mga sumukong BIFF ay mga miyembro ng Karialan Faction habang siyam naman ang sa ilalim ng Bungos Faction.
Agad na iprinisenta nina LtCol. Nathaniel Balintong, Commander ng 92nd IB, at PLtCol. Alexander Butuan ang mga sumukong indibidwal kay BGen. Ignatius Patrimonio, Brigade Commander ng 1st Brigade Combat Team.
Naroon din upang saksihan ang nasabing aktibidad sina Datu Hoffer Councilor Datu Pandag Ampatuan at Unson Demaguil, Executive Secretary ng alkalde ng Datu Salibo.
Pinuri naman ni MGen. Juvymax Uy, Commander ng JTFC at 6th Infantry Division, ang tagumpay na ito sa pakikipagtulungan ng kapulisan at lokal na pamahalaan.
Ipinapangako naman nito na mas palalakasin pa nito ang civil-military relationships at mas paiigtingin pa ang pagsasagawa ng opensiba laban sa mga natitirang miyembro ng BIFF upang masiguro ang kaligtasan at kapakanan ng mamamayan ng Central Mindanao.
Nakatakdang ienroll at makatanggap ng livelihood assistance ang 16 na sumukong indibidwal sa AGILA-HAVEN Program ng Maguindanao Provincial Government upang matulungan ang mga ito na makapagsimula ng panibago at mapayapang pamumuhay sa mainstream society.
Samantala, inihayag naman ni Lt. Col. Baldomar ang kanilang mga ginagawang hakbang ngayon upang hindi na nakapaghasik ng kaguluhan sa South at Central Mindanao ang mga teroristang grupo lalo pa at nalalapit na ang halalan.