KATE DAYAWAN

GENERAL SANTOS CITY - Kalaboso ang drayber at tatlong pahinante nito matapos na makumpiska sa checkpoint ng PNP ang mahigit kumulang 3,000 board feet ng iligal na forest timber products sa Barangay Tinagacan, General Santos City noong araw ng Martes, April 19.
Sa report mula sa PNP, pasado alas kwatro umano ng umaga nang mapigil ng otoridad sa inilunsad na checkpoint ang isang 10-wheeler wing van truck. Nang hilingin ng PNP sa driver na buksan ang wing van ay tumambad sa kanila ang mahigit kumulang 180,000 pesos na halaga ng iligal na timber products.
Nang tanungin patungkol sa legality ng pag-aari nito at pabyahe ng forest products, walang maipakita ang driver at mga kasama nito sanhi upang arestuhin sila ng PNP.
Kinilala ang mga nahuling indibidwal na sina Rolando, Remegio, Ronald at Juniel, parehong nasa wastong gulang at pawang mga residente ng Davao de Oro province.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Presidential Decree 705 or the Revised Philippine Forestry Code ang mga nahuling indibidwal.
Kabilang sa criminal offense na nakasaad sa presidential decree ay ang pagputol, pag-ipon o pagkolekta ng timber o iba pang produkto na wlang lisensya, unlawful occupation o pagsira ng forest lands, pagsira ng wildlife resources at iba pang related offenses.