Kate Dayawan

(Photo courtesy: Police Regional Office - Bangsamoro Autonomous Region)
BANGSAMORO REGION — Abot sa labing siyam na mga law violators ang napasakamay ng Police Regional Office BAR sa magkakahiwalay na mga inilunsad na operasyon sa buong rehiyon ng Bangsamoro sa loob ng isang linggo, May 8 hanggang May 15.
Mula sa 19 na mga nahuli, lima dito ang mga drug personalities. Kasabay rin dito ang pagkakakumpiska ng 24.22 grams ng shabu na may estimated total standard drug price na 164,757 pesos.
Napasakamay rin ng PNP ang tatlong Most Wanted Person kung saan ay dalawa dito ang nahuli sa lalawigan ng Lanao del Sur na may kasong Robbery at Murder habang isang wanted person naman ang nahuli sa Maguindanao na may kasong sexual assault.
Samantala, dahil sa pinaigting na kampanya kontra loose firearms bilang bahagi ng PNP’s LOI Kontra Boga, nagsagawa ng operasyon ang PRO BAR kung saan target nito ang mga hindi rehistrado at hindi lisensyadong mga armas na nagresulta sa pagkakaaresto ng sampung indibidwal.
Narekober naman ang 19 na iba’t ibang uri ng loose firearms kung saan ay 11 dito ang high-powered firearms.
Bukod dito, isang indibidwal rin ang nahuli dahil sa illegal gambling at pagkakakumpiska ng 635 pesos na cash.
Muling inihayag ng PRO BAR sa ilalim ng pamumuno ni Police Brigadier General Arthur Cabalona, Regional Director, na tapat ito sa kanilang pagserbisyo sa mga mamamayang Bangsamoro.