Kate Dayawan | iNEWS Phils | March 10, 2022

Photo courtesy: PNP PRO BAR
Cotabato City, Philippines - Matiwasay na natapos kahapon ang isinagawang 1st Bangsamoro Peace and Order Council Meeting na pinangunahan ni BARMM Interim Chief Minister Ahod Balawag Ebrahim sa Bajau Hall, Bangsamoro Government Center, Cotabato City.
Dumalo sa nasabing pagpupulong ang mga opisyal mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno kabilang sina Police Regional Office BAR Regional Director PBGen. Arthur Cabalona at Philippine Drug Enforcement Agency BARMM Regional Director Rogelito Daculla.
At bilang pagsunod sa minimum public health standard, hinati sa dalawang platform ang mga bisita at resource person kung saan, 20 sa mga miyembrong nakiisa sa pagpupulo ang pisikal na dumalo habang via zoom meeting naman ang 20 iba pa.
Kabilang sa mga tinalakay sa nasabing pagpupulong ang update patungkol sa peace and security na iprinisinta ng Western Mindanao Command, Public Order and Safety Updates na tinalakay ng PNP PRO BAR, mga isyu patungkol sa 2022 National and Local Elections, armed-conflict at iba pang peace and security insidente sa ilang lugar sa lalawigan.
Partikular sa mga napag-usapan ang gagawing imbestigasyon ng PNP PRO BAR sa mga namataang armadong kalalakihan ilang kilometro lang ang layo mula sa entrance gate ng BARMM Compound noong Pebrero.
Ito’y matapos na magsagawa ng hot pursuit operation ang City Police Station 2 laban sa mga suspek ng naganap na shootout kung saan dalawa ang nasugatan.
Bukod pa rito, isang resolusyon naman ang inaprubahan ng mga dumalong opisyal na naghahayag ng pagsuporta ng konseho at Bangsamoro Government para sa isang mapayapa, maayos at credible na 2022 National and Local Elections.
End.