Kate Dayawan | iNEWS | September 9, 2021
Cotabato City, Philippines - Naghanda ang lokal na pamahalaan ng Zamboanga City ng mega isolation facility sakaling kakailanganin ito lalo pa’t muli na namang tumaas ang kaso ng COVID-19 sa lungsod.
Ayon kay City Disaster Risk Reduction Management Officer Elmeir Apolinario, nakatakda nang matapos sa September 15 ang paghahanda sa nasabing pasilidad na mayroong 2,500-bed capacity.
Ngunit paglilinaw nito na hindi umaasa ang LGU na magagamit ang mga inihandang higaan dahil layunin ng lokal na pamahalaan na mabawasan ang mga natatamaan ng sakit na COVID-19.
Kaya naman nananawagan ito sa kanilang mga kababayan na istriktong sundin ang mga minimum health protocol na itinakda ng National Inter-Agency Task Force.
Matatandaan na noong buwan ng Abril at Mayo nang tumama ang second wave ng COVID infection sa lungsod na may 2,400 cases, walo lamang ang isolation facility sa lungsod na may 600-bed capacity.
Dahil dito ay ipinag-utos umano ni Mayor Beng Climaco na gumawa at magdagdag ng isolation facility.
Samantala, inanunsyo ni Apolinario na mananatili sa General Community Quarantine (GCQ) at mananatiling mahigpit ang lungsod ng Zamboanga sa mga ipinatutupad nitong panuntunan laban sa COVID-19 hanggang sa katapusan ng Setyembre.
Patuloy pa rin umanong ipatutupad ang lockdown sa mga nalalabing Linggo ng buwan.

Photo credit: City Government of Zamboanga