Kate Dayawan | iNEWS Phils | March 14, 2022
Photo courtesy : PCADG Region 12
Cotabato City, Philippines - Kalaboso ang dalawang indibidwal matapos na masabat mula sa kanila ang 162,000 na halaga ng smuggled cigarettes at humigit kumulang isang gramo ng hinihinalang shabu sa Purok Sampaguita, Barangay Poblacion, President Quirino, Sultan Kudarat noong Huwebes, March 10.
Kinilala ang dalawang suspek na sina Zuharto, ang driver at ang pahinante nitong si alyas Dhatz na pawang mga residente ng Pagalungan, Maguindanao.
Ayon kay PMaj Samuel Domingo, hepe ng President Quirino Municipal Police Station, nakatanggap umano ng impormasyon ang kanilang tanggapan na di umano’y ang isang unit ng Utility Vehicle (Bonggo) ay may laman na hinihinalang smuggled na sigarilyo mula sa Buluan, Maguindanao patungong Tacurong City.
Kaagad namang nagsagawa ng checkpoint operation ang mga tauhan ng President Quirino MPS kasama ang mga tauhan ng Regional Intelligence Division 12, 1st Sultan Kudarat Provincial Mobile Force Company at Sultan Kudarat Provincial Intelligence Unit/Sultan Kudarat Provincial Drug Enforcement Unit sa SKPMFC Pedtubo Detachment, Brgy. Pedtubo, President Quirino, Sultan Kudarat.
Ayon kay PMaj Domingo, bandang 01:35 nang hapon ng makita nila ang nasabing sasakyan, sinubukan pa umano nitong umiwas sa checkpoint ngunit agad rin itong nahabol ng mga operatiba.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang 180 reams ng New Berlin Cigarettes na may tinatayang kabuuang market value na Php162,000 at isang unit ng Utility Vehicle (Bonggo) na may plate number MAM 6594, kulay berde na walang kaukulang dokumento.
Bukod dito, narekober din ang ang apat na plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na inilagay sa loob ng pakete ng sigarilyo na may kabuuang timbang na higit o mas mababa sa 1.0 gramo na nagkakahalaga ng Php.10,000.
Ang narekober na hinihinalang shabu ay itinurn-over sa Provincial Forensic Group Field Office 12, Isulan, Sultan Kudarat para sa qualitative and quantitative examination habang ang mga suspek ay haharap sa kasong paglabag sa RA 10863 o Custom Modernization and Tariff Act kaugnay ng Sec 168 ng RA 8293 at Section 11, Article II ng RA 9165.
End.