Kate Dayawan | iNEWS | November 15, 2021

Photo courtesy : Sipiay O West
Cotabato City, Phillippines - Dahil sa patuloy na combat at non-combat operations ng Joint Task Force Central, sumuko ang dalawang miyembro ng Communist Terrorist Group sa 38th Infantry Battalion at 6th Civil Military Operations Battalion sa Sitio Tampuan, Barangay Kamanga, Maasim, Sarangani noong Huwebes, November 11.
Kinilala ang mga ito sa alyas na Cardo, 62 years old at alyas Ka Mimoy na isang 36 years old at kapwa nagmula sa Banga, South Cotabato. Miyembro ang dalawa ng Guerilla Front Musa, Far South Mindanao Regional Committee.
Bitbit ng mga ito sa kanilang pagsuko ang isang improvised M14 rifle na may dalawang magazine at 40 rounds ng live ammunition at isang Garand rifle na may limang clips, 37 rounds ng ammunition at walong rounds ng K3 ammunition.
Hinikayat naman ni MGen. Alfredo Rosario, Jr., Commander ng Western Mindanao Command, ang iba pang militante na sumuko na at piliing makasama ang pamilya lalo pa at magpapasko na.
Isinailalim ang mga dating rebelde sa custodial debriefing na isinagawa ng 603rd Infantry Brigade habang ang kanilang mga isinukong armas ay nasa kustodiya ng 38IB para sa wastong disposisyon.
Inaasahan naman ni MGen. Juvymax Uy, Commander ng JTFC at 6th Infantry Division, na marami pang miyembro ng CTG ang susuko lalo pa at ilan sa mga top leader ng grupo ay sumuko na rin sa gobyerno.
Simula sa Enero ng kasalukuyang taon, umabot na sa 121 na CTG members ang sumuko sa pwersa ng gobyermo at karamihan sa mga ito ay isinuko ang kanilang mga armas.
Sa bilang na 121, labing tatlo dito ay mula sa West Daguma, 84 ang nagmula sa East Daguma at 24 naman mula sa Guerilla Front Musa.