top of page

3 MIYEMBRO NG DI-MG AT ISANG SUNDALO, PATAY SA INILUNSAD NA OPERASYON NG JTG HARIBON SA MAGUING, LDS

Kate Dayawan | iNEWS Phils | March 2, 2022

Photo courtesy : Ist Infantry "Tabak" Division, PA


Cotabato City, Phils - Matapos ang ilang oras na sagupaan sa pagitan ng Dawlah Islamiya – Maute Group at Joint Task Group Haribon ng 1st Infantry Division sa Barangay Ilalag, Maguing, Lanao del Sur kahapon, araw ng Martes, napatay sa operasyon ang tatlong miyembro ng teroristang grupo habang isa naman sa mga kasundaluhan ang nagbuwis ng buhay at apat ang nasugatan.


Sa report mula sa 1st ID, nasa humigit kumulang 60 armadong DI-MG members umano ang nakasagupa ng mga tropa sa ground kasunod ang isinagawang airstrike operations sa natukoy na pinagkukutaan umano ng teroristang grupo na pinamumunuan ni Abu Zacharia at ng DI-Hassan Group Maguindanao. Nagsanib pwersa umano ang dalawang grupo upang magsanay at planong maghasik ng kaguluhan sa lugar.


Narekober sa operasyon ang isang .30 caliber machine gun, dalawang .50 caliber machine gun, isang AK47, isang 5.56mm M16 rifle, isang 7.62mm M14 rifle, isang Garand rifle, tatlong rocket-propelled grenade, 22 IED, 100 rounds ng caliber .50 ammunition, isang link ng caliber .30, 150 rounds ng 7.62mm cartridge, 50 rounds ng caliber .40 ammunition, isang caliber .40 magazine, apat na M14 magazines at ilang anti-personnel mines at mga sangkap at iba pang mga war material at dokumento ng mga kalaban.


Isang miyembro naman ng Armed Forces of the Philippines ang nasawi din sa operasyon na kinilala si Pvt Clint Rey R Armada habang apat naman ang nasugatan na kasalukuyan nang nagpapagaling sa Brigade Medical Facility.


Sa ngayon ay patuloy na nagsasagawa ng clearing at pursuit operations ang mga kasundaluhan ng Joint Task Group Haribon.


Ayon kay Brig. Gen. Jose Maria Cuerpo, 103rd Infantry Brigade commander at ang concurrent commander ng Joint Task Group Haribon, Enero pa lang ay kanila nang tina-tract ang nasabing teroristang grupo.


Si Faharudin Hadji Satar alyas Zakaria/Abu Zacariah/Omar/Jer Mimbantas ay ang top leader ng Dawlah Islamiya na nag-ooperate sa Lanao del Sur.


Sangkot umano ito sa ilang sagupaan laban sa pwersa ng gobyerno sa mga bayan ng Sultan Dumalondong, Pagayawan, Madalum, Piagapo, at Balindong, Lanao del Sur.


Ang top leader na ito ay mayroon na ring ilang warrant of arrest sa kasong kidnapping, serious illegal detention, murder, frustrated murder at aktibo rin umano itong nag ooperate sa tri-boundaries ng Piagapo, Madalum at Balindong.


Siniguro naman ni Maj. Gen. Gene Ponio, commander ng 1st Infantry Division and Joint Task Force Zampelan, sa publiko na magtutulungan ang Philippine Army at iba pang security forces na talunin ang terror groups at wakasan ang insurhensya sa rehiyon at sa buong Mindanao.


End.

38 views
bottom of page