top of page

2 patay kabilang na ang isang Malaysian national sa drug buy-bust operation ng PDEG sa Tawi-Tawi

Kate Dayawan | iNEWS | October 18, 2021


Cotabato City, Philippines - Nauwi sa shootout ang inilunsad na drug buy-bust operation ng PNP Drug Enforcement Group o PDEG sa tabing-dagat ng Barangay Pahut, Bongao, Tawi-Tawi umaga noong Sabado.


Napatay sa operasyon ang isang kinilalang si Nadzmil Ladja, residente ng Barangay Sipangkot, Sitangkai, Tawi-Tawi, at ang isang Malaysian national na si Hari Man Bin Sabtula na residente ng Sabah, Malaysia.


Ayon sa report ni PBGen. Remus Medina, Director ng PDEG, naganap ang shootout nang aarestuhin ng pinagsanib na pwersa ng PNP at AFP ang dalawa dahil sa illegal drug trafficking.


Narekober ng mga otoridad mula sa napatay na mga suspek ang mahigit kumulang 1,500 grams ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na 10,200,000.00 pesos.


Nakumpiska rin ang labing anim na bundle ng boodle money, limang gramo ng suspected Marijuana na may nagkakahalaga ng 600 pesos, dalawang identification card, dalawang cal .45 pistol Armscor at isang kulay dilaw na bangkang de motor.


Sinabi naman ni PNP Chief, PGen. Guillermo Lorenzo Eleazar, patuloy na magsasagawa ng anti-illegal drugs operations ang PNP maging ng general anti-criminality, internal security operations at public safety duties.




0 views
bottom of page