2 sugatan sa shooting incident sa Grandstand ng MSU Main Campus, Marawi City
Kate Dayawan | iNEWS | December 3, 2021

Photo courtesy : Lanao del Sur Provincial Police Office
Cotabato City, Philippines - Personal Grudge ang nakikitang motibo ng Lanao del Sur Provincial Police Office sa naganap na shooting incident kahapon, December 2, na bumulabog sa isang aktibidad sa grandstand ng Mindanao State University Main Campus sa Marawi City.
Sa report mula sa LDSPPO, pasado ala una ng hapon kahapon nang maganap ang pamamaril na nagresulta sa pagkasugat ng dalawang indibidwal na kinilalang sina Anwar Dimaodin Kiram, 26 anyos na lalaki, residente ng Barangay Sandab, Butig, Lanao del Sur at Mohaimen Batal Maba, 21 anyos at residente ng Barangay Cadayonan, Balindong, Lanao del Sur.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, naglalakad umano ang bente uno anyos na estudyanteng si Aripodin Mamacuna nang mapansin nitong sinusundan siya ng grupo ng mga armadong kalalakihan.
Pumunta siya sa grandstand kung saan may nagaganap na aktibidad ng isa sa mga ahensya ng Bangsamoro Government at doon ay nakisiksik sa mga ito upang itago ang sarili at nang makatakas sa mga suspek. Ngunit nakita pa rin ito at binugbog ng mga armadong kalalakihan.
Kinilala ang mga suspek na sina Macaraya, Banjo at Rakim na pawang mga residente ng Barangay Rapasun, Marawi City.
Agad na naglunsad ng hot pursuit operation ang PNP laban sa mga tumakas na suspek ngunit bigo itong mahuli.
Agad namang isinugod sa Amai Pakpak Medical Center ang mga sugatang biktima.
Narekober mula sa crime scene ang ilang fired cartridges ng pinaniniwalaang cal .22 at 9mm pistol.
Nakatakas naman ang mga suspek at inihahanda na rin sa kanila ang karampatang kaso laban sa mga ito.