Kate Dayawan | iNews | iMindsPH
Cotabato city, Philippines - Abot sa 1.1 Million Pesos na cash assistance ang ipinamahagi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) katuwang ang pamahalaang panlalawigan ng Cotabato at Armed Forces of the Philippines sa dalawampu’t isa na mga dating rebelde mula sa Magpet, North Cotabato kahapon, a nuwebe ng Agosto.
Ang cash assistance na ito ay mula sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng gobyernong nasyunal na kung saan ay layunin nito na matulungan ang mga dating rebelde na makapag bagong buhay matapos na magbalik-loob sa gobyerno.
Hinikayat naman ni North Cotabato Governor Nancy Catamco ang mga dating rebelde na gamitin ang perang ibinigay ng gobyerno bilang kanilang panimula ng maliit na negosyo.
Paalala rin niya sa mga ito na tumulong sa pamahalaan sa mga isinusulong na kampanya ng pag-papanatili ng kapayapaan at katiwasayan sa mga komunidad sa lalawigan ng Cotabato.
Una nang nagpaabot ng tulong pinansyal ang Provincial Government ng Cotabato sa 21 na mga dating rebelde.
Bawat isa sa mga ito ay nakatanggap ng tig labing limang libong piso.

Photo by: Provincial Government of Cotabato