Kate Dayawan | iNEWS | November 15, 2021

Photo courtesy: PRO - BAR
Cotabato City, Philippines - Dahil sa patuloy na pagpapaigting ng Police Regional Office - Bangsamoro Autonomous Region sa kampanya kontra loose firearms, matagumpay na nakumpiska ng PNP ang limang loose firearms at naaresto ang tatlong indibidwal matapos na ilunsad ang joint law enforcement operation ng Regional Mobile Force Battalion 14, Regional Intelligence Division-Regional Special Operations Group at Maguindanao Police Provincial Office sa Barangay Biarong, South Upi, Maguindanao noong araw ng Huwebes, November 11.
Ang pagpapaigting ng operasyon kontra loose firearms ay bilang paghahanda sa nalalapit na halalan sa Mayo 2022.
Base sa report mula sa South Upi Municipal Police Station, isisilbi sana ng operating team ang warrant of arrest laban sa isang Nashro Wahab Omar, isang akusado sa kasong Frustrated Murder, sa bahay ng isng nagngangalang Basit sa Barangay Biarong ngunit nakatakas na ang ito.
Tanging naabutan ng mga otoridad sa lugar ay si Basit, at dalawa pang indibidwal na nagngangalang Asrad at Tulondatu at nakita sa posesyon ng mga ito ang iba't ibang mga armas na walang ligal na dokumento.
Kabilang sa mga armas na ito ang isang 5.56mm Bushmaster Rifle, isang M16 A1 Rifle, isang caliber 9MM pistol na may dalawang magazine, isang caliber .45 Taurus Pistol na may dalawang magazine, isang caliber .45 Armscor Pistol, walong M16 magazine at samu't saring mga bala.
Nakapiit na ngayon ang tatlong suspek sa South Upi MPS na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Pinuri naman ni PBGen. Eden Ugale, Regional Director ng PRO BAR, ang operating units at muli nitong sinabi na determinado ang PRO BAR na paigtingin ang mga operasyon nito laban sa mga wanted person at loose firearms.