Kate Dayawan | iNEWS Phils | March 15, 2022

Photo courtesy : Phil Coast Guard
Cotabato City, Philippines - Napigil ng Philippine Coast Guard (PCG) Station Eastern Sarangani ang tatlong Indonesia Nationals sa tangka nitong pagpuslit ng mahigit isang daang manok na panabong mula General Santos City patungong Tahuna, Indonesia.
Sa report mula sa PCG, habang nagsasagawa umano sila ng maritime patrol pasado alas onse ng gabi noong a nuwebe ng Marso, kanilang naispatan ang isang kahina-hinalang motorbanca na walang ilaw na pumapalawig patungo sa border ng Indonesia.
Nang magsagawa ng beripikasyon, nadiskubre ng PCG team ang nasabing motorbanca ay naglalaman pala ng 190 mga manok na panabong, pagkain ng manok, gamot at bitamina ng hayop.
Kinilala ang tatlong indibidwal na sina Bura Wangka, Zaidunin Makahiking at Maman Bawimbang.
Sa inisyal na imbestigasyon, lumalabas na kinontrata umano ang tatlo na kunin ang mga manok na panabong at isakay sa kanilang Bangka sa Barangay Bawing, General Santos City patungong Tahuna, Indonesia.
Isiniwalat din ng tatlo na noon pang March 6 sila dumating sa Gensan.
Sa pag-inspection ng PCG, napag-alaman na walang Safety, Security, and Environmental Numbering (SSEN) ang nasabing Bangka mula sa Coast Guard kung saan labag ito sa Department of Transportation (DOTr) Memorandum Circular Number 2017-001 dated 31 March 2017.
Bigo rin ang mga ito na magpresenta ng transport permit at iba pang kinakailangan na permit mula sa Bureau of Animal Industry (BAI) sa General Santos City.
Sa ngayon, nasa pangangalaga na umano ng PCG Station Eastern Saranggani habang ang nakumpiskang manok at iba pang kargamento ay itinurn-over na sa BAI para sa wastong disposisyon.
End.