Kate Dayawan

SARANGANI PROVINCE — Kusang loob na sumuko ang tatlong miyembro ng Communist Terrorist Group sa mga kawani ng Police Regional Office 12 sa Maasim, Sarangani province noong Lunes, April 25.
Ito ay resulta ng pinaigting na kampanya ng PRO 12 na End Local Communist Armed Conflict (ELCAC) na pinamumunuan ni Police Brigadier General Alexander Tagum.
Sa report mula sa PNP, habang nagsasagawa umano ng major Internal Security Operation sa bahagi ng Barangay Lumasal, Maasim, Sarangani Province ang mga operating unit ng 1204th Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 12, nakasalubong umano ng mga ito ang dalawang indibidwal na kinilalang sina alyas Ramil, isang Platoon Leader ng Platoon SR sa ilalim ng Guerilla Front 71-TALA, FSMRC at si alyas Macoy, Platoon Leader ng Platoon Andoy sa ilalim ng MR, FSMRC na boluntaryong sumuko sa otoridad.
Bitbit ng mga ito ang isang unit ng Caliber 357 revolver na may tatlong bala at isang homemade caliber .45 pistol na may isang magazine at apat na bala.
Samantala, agad namang tumungo sa bulubunduking bahagi ng Sitio Kabcal, Barangay Bales, Maasim ang operating units ng Maasim Municipal Police Station, 2nd Provincial Mobile Force Company at PIB/Tracker kasama ang AFP upang sunduin si alyas Tino, miyembro ng Guerilla Front 73, na sa pakikipag negosasyon ay kusa na rin itong sumuko kasama ang isang cal .38 revolver nito na may anim na bala.
Nakatakdang matamasa ng mga sumukong indibidwal ang mga programang inihandog sa kanila ng gobyerno upang matulungan ang mga ito na muli nang makabalik sa lipunan nang mapayapa at ligtas ang pamumuhay.