Kate Dayawan | iMINDS Phils | February 23, 2022

Photo courtesy : PDEA BARMM
Cotabato City, Philippines - Himas-rehas ang tatlong indibidwal matapos mahuli sa inilunsad na buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency BARMM sa Kurbada, Barangay Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao araw ng Lunes, February 21.
Ayon sa PDEA BARMM, miyembro ng Moro Islamic Liberation Front ang tatlong nahuli.
Katuwang ng PDEA-BARMM sa pagsasagawa ng operasyong ito ang Maguindanao Police Provincial – PIU, PNP Maritime, PNP Highway Patrol Group, 1st Provincial Mobile Force Company Maguindanao, 2nd MP, MAG PPO PDEU at Alpha Company ng 6th Infantry Battalion, 6th Infantry Division.
Kinilala ang mga nahuling suspek na sina alyas Teng, driver at residente ng Barangay Sta. Clara, Kalamansig, Sultan Kudarat Province; Omra, driver at Maki na isang magsasaka kapwa mga residente ng Barangay Elian, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao.
Sa report mula sa PDEA-BARMM, sangkot umano ang tatlo sa ng illegal drug pushing at gun smuggling sa Maguindanao at mga kalapit-bayan sa probinsya ng Sultan Kudarat.
Nakumpiska mula sa posesyon ng tatlo ang isang transparent plastic sachet na naglalaman ng mahigit kumulang 100 grams ng hinihinalang shabu na may estimated value na 680,000 pesos.
Bukod dito, nakuha rin ang isang H&R Arm US rifle M14, isang wallet, isang Hyundai Accent, isang Suzuki multicab na ginagamit umano ng mga suspek sa kanilang mga iligal na transaksyon, mga bag, cellphone at ilang identification card ng mga ito kabilang na ang MILF IDs.
Nakapiit na ngayon sa PDEA BARMM Custodial Facility na mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
End