Kate Dayawan | iNews | January 7, 2022

City Government of Zamboanga
Cotabato City, Philippines - Upang mabigyan ng pangmatagalang solusyon ang mga palaboy sa lungsod ng Zamboanga, agad na nagsagawa ng operasyon ang City Social Welfare and Development Office at City Hall Community Police Action Center at sinagip ang tatlumpo't anim na mga bata at matatanda sa lansangan.
Kabilang sa mga na-rescue ang mga namamalimos, may problema sa pag-iisip, gumagamit ng solvent, mga pamilyang naninirahan sa kalsada at mga illegal ambulant vendor.
Dinala ang mga ito sa Center for Mendicants sa Culianan, Zamboanga City.
Sa 36 na mga na-rescue, 29 dito ay mga matatanda at pito naman ang mga menor de edad.
Matapos ang isinagawang rescue operation, agad namang nagsagawa ng assessment at intake interview ang CSWDO personnel sa mga sinagip na indibidwal.
Binigyan ang mga ito ng kanilang pansamantalang matutuluyan, counselling, homelife and social services.
Ang ilan sa mga ito ay muling ibinalik sa mga pamilya nito habang ang iba naman ay ibinigay sa ibang ahensya para sa iba pang tulong.