Kate Dayawan | iNEWS | November 22, 2021

Photo courtesy : 4MBDE
Cotabato City, Philippines - Bilang bahagi ng Localized Social Integration Program ng 4th Marine Brigade, matagumpay na nailunsad ang Livelihood Skill Training Program para sa apatnapung Abu Sayyaf Group returnees na isinagawa sa Barangay Bual, Luuk, Sulu.
Ang mga nasabing returnees ay tuturuang gumawa ng hollow blocks upang kanilang mapagkakakitaan sa kanilang pagbabalik sa komunidad.
Kaagapay ng 4th Marine Brigade sa paglulunsad ng nasabing programa ang Gagandilan Mindanao Women, Inc., at Ministry of Public Order and Safety - BARMM.
Ayon kay Wahida Abdulla, President ng Gagandilan Mindanao Women, Inc., ang magagawang hollow blocks ng mga dating rebelde ay magsisimbolo ng pagsisikap ng gobyerno sa pagbuo ng kapayapaan.
Buo naman umano ang ibibigay na suporta ng MPOS-BARMM sa program ng 4th Marine Brigade dahil sa may pagkakatulad rin ang kanilang program sa pagtugon sa mga isyu ng kahirapan na humahantong sa insurhensya.
Ayon naman kay Col. Jonathan Gabor, Deputy Brigade Commander ng 4th Marine Brigade, ang kanilang inilunsad na programa ay magbibigay ng panibagong buhay, pagmamahal, pang-unawa, kaalaman at bagong pag-asa sa mga ASG returnee.
Ang nasabing paglulunsad ay isinagawa na naaayon sa striktong health protocols na ipinapatupad upang maiwasan ang paglaganap ng COVID-19 virus.