Kate Dayawan | iNEWS | December 6, 2021

Photo courtesy : 7th Infantry TAPAT Battalion
Cotabato City, Philippines - Dahil sa tulong ng mga residente, natunton at nabungkal ng 7th Infantry Battalion ng Joint Task Force Central ang apatnapu't isang armas na inilibing ng mga komunistang terorista sa Sitio Kanalan, Barangay Marguez, Esperanza, Sultan Kudarat noong Biyernes, December 3.
Ayon kay Lt. Col. Romel Valencia, Commander ng 7IB, ang pagtulong ng mga residente sa lugar ay indikasyon na nais ng mga ito ng mapayapa at maunlad na komunidad.
Kabilang sa mga natagpuang armas ang tatlumpu't apat na 12-Gauge Shotgun, isang M79 Grenade Launcher, isang Springfield Rifle, isang Caliber .22 Rifle, dalawang single-shot pistol, isang Caliber .45 pistol at isang Uzi.
Bukod pa rito, nadiskubre rin ang samu't saring bala ng iba'ibang kalibre ng armas at dalawang IED detonator.
Patuloy na isinusulong ng Joint Task Force Central ang kampanya kontra loose firearms kasabay rin nito ay ang patuloy naman na pagsuko ng mga miyembro ng Komunistang Teroristang Grupo simula Enero ngayong taon.