Kate Dayawan | iNEWS | December 2, 2021

Photo courtesy : Bangsamoro READi
Cotabato City, Philippines - Bilang suporta at pakikiisa sa hakbang ng gobyerno na mabakunahan ang lahat ng Filipino sa bansa, namahagi ng "Ayuda para sa Bakuna" ang Bangsamoro Rapid Emergency Action on Disaster Incidence ng Ministry of Interior and Local Government sa mga residente sa Maguindanao na nagpabakuna kontra COVID-19 sa inilunsad na tatlong araw na mass vaccination.
Sa unang araw ng pagbabakuna, November 29, nasa 2,400 food packs ang naipamahagi ng Bangsamoro READi sa labing anim na bayan ng Maguindanao.
Ito ay ang bayan ng Datu Odin Sinsuat, Talayan, Guindulungan, Datu Saudi Ampatuan, Datu Unsay Ampatuan, Datu Abdullah Sangki, Datu Anggal Midtimbang, Datu Salubo, Datu Piang, Datu Hoffer, Shariff Saydona Mustapha, Mamasapano, Rajah Buayan at Sultan sa Barongis.
1,850 na ayudang pagkain naman ang naipamahagi ng Bangsamoro READi sa mga nagpabakuna sa mga bayan ng Pagalungan, Montawal, Northern Kabuntalan, Mother Kabuntalan, Sultan Kudarat, Sultan Mastura, Buldon, Barira, Matanog at Parang.
Kasabay nabigyan ang mga nagpabakuna sa Shariff Kabunsuan Cultural Complex, BARMM Compound, Cotabato City.
At sa huling araw ng mass vaccination, 1,650 food packs ang naipamahagi ng Bangsamoro READi sa sampung munisipyo ng lalawigan na kinabibilangan ng Buluan, Datu Paglat, Datu Paglas, Pandag, Mangudadatu, General Salipada K. Pendatun, Datu Blah Sinsuat, Upi at South Upi.
Dagdag na rin dito ang vaccination site sa loob ng Camp Darapanan.
Sa kabuuan ay umabot sa 5,900 na food assistance ang naipamahagi ng Bangsamoro READi sa tatlong araw na aktibidad.
Sa kasalukuyan ay wala pang inilalabas na kabuuang bilang ng mga nagpabakuna sa rehiyon ng Bangsamoro ang Ministry of Health na siyang nanguna sa pagsasagawa ng Mass Vaccination.