5 kaso ng Delta Variant, naitala sa North Cotabato
Kate Dayawa | iNEWS | September 14, 2021
Cotabato City, Philippines - Mahigpit na nananawagan ngayon sa publiko ang Provincial Government ng Cotabato sa pamumuno ni Governor Nancy Catamco na magpabakuna na kontra COVID-19.
Bunsod kasi ito ng pagkakatala ng lalawigan sa limang kaso ng Delta variant ng COVID-19 ayon sa ulat ng Provincial Epedimiology Surveillance Unit noong Linggo, September 12.
Ayon kay Integrated Provincial Health Officer Head Dra. Eva Rabaya, dalawa sa limang kaso na ito ay naitala sa lungsod ng Kidapawan habang tig-iisang kaso naman ang naitala mula sa bayan ng Mlang, Pikit at Tulunan.
Sa kasakuluyan ay patuloy ang ginagawang imbestigasyon at contact tracing sa mga taong nakasalamuha ng mga indibidwal na nagpositibo.
Base sa iprinisintang datus sa isinagawang Provincial Development Council (PDC) Meeting kahapon, September 13, isa sa mga tinitingnang dahilan ng pagtaas ng kaso sa lalawigan ay ang local transmission.
Sa pahayag na inilabas ni Governor Catamco, kasalukuyan na umanong nasa CODE RED ALERT ang status ng lalawigan dahil sa paglobo ng kaso ng COVID-19.
Una nang inihayag ni IPHO Chief Dra. Rabaya na nagkakaroon na ng kakulangan sa mga medical oxygen para sa mga severe cases ng virus sa mga isolation facility at ospital sa probinsya.
Dahil dito, ipinanukala ng Provincial Inter Agency Task Force ang karagdagang pondo para sa suplay ng oxygen tanks na magmumula sa Development Fund - Supplemental Budget #2 na laan para sa Cotabato Provincial Hospital (CPH).
Ito ay nagkakahalaga ng P13, 390,000.00 habang P2,412,744.57 ang inilaan para sa M’lang District Hospital.
As of September 13, 2021, nakapagtala na ang lalawigan ng 8,080 na kaso ng COVID-19.
1,421 dito ang active cases; 6,291 ang recoveries habang 364 naman ang COVID-related deaths.

Photo by: Governor Nancy A. Catamco