top of page

6,667 ektaryang lupain ng gobyerno sa Lanao Del Sur, ipapamahagi ng MENRE BARMM

Kate Dayawan | iNEWS | September 9, 2021


Cotabato City, Philippines - Alinsunod sa Executive Order (EO) 75, series of 2019 ni Pangulong Rodrigo Duterte, nakatakda ngayong ipamahagi ng Ministry of Environment, Natural Resources, and Energy –BARMM sa pakikipagtulungan ng Department of Agrarian Reform ang 6,667 hectares na lupain ng gobyerno sa mga kwalipikadong benepisyaryo sa Lanao del Sur.


Ayon kay MENRE at BARMM Senior Deputy Minister Abdulraof Macacua, ito ang kanilang pinag-usapan ni DAR Undersecretary for Mindanao Affairs and Rural Development Ranibai Dilangalen nang bumisita ito sa BARMM government center noong Lunes, September 6.


Sentro ng pagpupulong ang technical assistance para sa pagsurvey ng hekta-hektaryang lupain ng gobyerno sa Camp Keithley sa Marawi City, Saguiaran, Piagapo at Marantao, na kinabibilangan ng magkadugtong na mga lugar sa Mindanao State University, National Power Corp., at Lanao del Sur Provincial Capitol.


Sa ilalim ng nasabing plano, bubuo umano ang MENRE ng isang Work and Financial Plan (WFP), kabilang na dito ang survey strategies, habang makikipagtulungan naman ang DAR sa Department of Environment and Natural Resources’ national office sa pagkuha ng deeds at pag-identify sa mga kwalipikadong benepisyaryo.


Ang DAR national office, sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program Law, ang mamimili sa mga magiging benepisyaryo ng mga lupain.


Sinabi ni Macacua, ipaprayoridad umano ang mga nasa loob ng 6,667-hectare na lupa na pagmamay-ari ng gobyerno.


Sinabi naman ni Dilangalen na isa sa mga nakikitang magiging benepisyaryo ay ang mga naging biktima ng 2017 Marawi siege.



Photo Credit : MENRE-BARMM

5 views0 comments