Kate Dayawan | iNEWS | November 22, 2021

Photo courtesy : 6th Infantry Division - Kampilan
Cotabato City, Philippines - Dahil sa pinaigting na kampanya ng militar laban sa loose firearms, boluntaryong isinuko ng mga residente mula sa pitong barangay ng Pikit, North Cotabato ang pitong high-powered firearms sa Joint Task Force Central noong Biyernes, November 19.
Ayon kay Lt. Col. Rommel Mundala, Commander ng 90th Infantry Battalion, naging posible umano ang pagsuko ng mga loose firearms sa tulong ng mga punong barangay ng Pamalian, Punol, Macasendeg, Damalasak, Kolambog, Silik at Pulangi.
Kabilang sa mga isinukong armas ay ang dakawang US Carbine Cal .30 rifle, isang US Cal .30 M1 Springfield rifle, dalawang M1 Garand Rifle at dalawang M1917 Enfield rifle.
Pinuri naman ni MGen. Juvymax Uy, Commander ng Joint Task Force Central at 6th Infantry Kampilan Division, ang mga residente ng nasabing bayan. Dahil dito, nananawagan ito sa mga komunidad sa iba pang lalawigan na nasa ilalim ng kanilang jurisdiction na gayahin ang ginawa ng mga residente ng Pikit at pagkatiwalaan ang militar at kapulisan.