Joy Fernandez | iNEWSPHILIPPINES

Sa loob lamang ng anim na buwan ngayong taon, umabot na sa 1,238 na kaso ng teen pregnancies ang naitala sa Probinsya ng South Cotabato.
Nangunguna ang Tboli na may 277 na kaso; pumapangalawa ang Polomolok na mayroong 235 at pumapangatlo ang bayan ng Lake Sebu na may kabuuang 193 ng mga kabataang nasa edad 19 pababa na nabuntis at naging batang ina.
Labing-isang taong gulang naman ang pinaka batang nabuntis sa probinsya sa unang anim na buwan ng kasalukuyang taon.
Ang mga datos na ito ay batay sa pananaliksisk ng Planning, Population and Development Unit ng Provincial Population Office (PPO) na kinuha sa Field Health Survey Information System ng Integrated Provincial Health Office (IPHO).
Base din sa datos, mas nakakabahala rin ngayon ang pagtaas ng bilang ng mga batang nabubuntis na nasa edad 12-14 pa lamang.
Nagkaisa naman ang PPO sa pangunguna ni Provincial Population Officer Zeniada A. Duron at ng IPHO sa pamamagitan ni Genesis Q. Navales, Family Planning, Adolescent Health Development Program, Maternal and Child Health Coordinator na mas lalong paigtingin ang kampaya sa pamamagitan ng ibat-ibang mga adbokasiya laban sa maagang pagbubuntis at pagiging batang ina.
Uunahin ng PPO ang limang mga barangay na may pinakamatataas na kaso ng teen pregnancies ng bawat munisipyo.
Ayon Kay Duron, nasimulan na ng PPO na maabot ang ilang mga nasabing barangay sa unang buwan pa lamang ng taon. Sisikapin ding aabutin pa ang ilang mga barangay lalo na ang mga nasa Geographically Isolated and Depressed Areas ng probinsya, dagdag pa ni Provincial Population Officer Zenaida A. Duron.