Kate Dayawan | iNEWS | December 3, 2021

Photo courtesy : 6th Infantry Division
Cotabato City, Philippines - Araw ng Miyerkules, December 1, nasawi sa operasyon ang anak ni Hasan Indal, isang Sub-leader ng Dawlah Islamiya , na kinilalang si alyas Adsam nang makasagupa ng grupo ang Joint Task Force Central sa Sitio Ulangkaya, Barangay Ganta, Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao.
Naganap ang bakbakan matapos na maireport ng mga residente na mayroong presensya ng teroristang grupo sa lugar na nangingikil umano ng suplay mula sa komunidad.
Tumagal ng limang minuto ang nasabing bakbakan kung saan tumakas sa iba't ibang direksyon ang mga miyembro ng teroristang grupo at naiwan ang wala nang buhay na si Adsam na sangkot sa iba't ibang kriminalidad at kaguluhan sa Central Mindanao.
Matapos na halughugin ang lugar, narekober ng tropa ang isang 5.56mm rifle, isang bandoleer, 189 rounds ng 5.56mm ammunition, apat na short at tatlong long magazines ng M16 at iba't ibang war materials at subversive documents.
Pinuri naman ni MGen. Juvymax Uy, Commander ng JTFC at 6ID, ang agarang pag-aksyon ng tropa upang maprotektahan ang komunidad mula sa karahasan ng violent extremist groups.
Hinikayat naman nito ang kanyang mga kasundaluhan na patuloy na makipagtulungan sa iba pang pwersa ng gobyerno at sa mga residente ng Maguindanao upang mahuli ang mga kriminal at violent extremist sa kanilang komunidad.
Gagamitin umano nito ang lahat ng assets na meron ang JTFC upang masupil ang mga kriminal at maibalik na ang kapayapaan sa mga mamamayan.