ARESTADO SA BUY-BUST

2 MANGINGISDA, ARESTADO SA BUY-BUST OPERATION SA GENERAL SANTOS CITY; P100K HALAGA NG HINIHINALANG SHABU, NAKUMPISKA
General Santos City - Sa General Santos City arestado ang dalawang mangingisda at nakumpiska ang isang daang libong piso na halaga ng hinihinalang shabu sa ikinasang buy-bust operation.
Tiklo ang 51-anyos na si alyas Arman at ang 34-anyos na si alyas Bogs sa ikinasang buy-bust operation ng General Santos City PNP sa Barangay Tambler, a otso ng Mayo.
Ang mga naaresto ay parehong mangingisda. Nabili mula sa mga ito ang .9 grams ng hinihinalang shabu na mayroong National Standard Drug Price 1,000 pesos.
Nang arestuhin, narekober ng otoridad ang isa pang plastic canister na mayroong tatlong malaking sachets ng pinaniniwalaang shabu. Tumitimbang ito ng 15 grams at mayroong National Standard Price na 102 thousand pesos.
Nakuha rin sa posesyon ng mga ito ang tatlo pang maliit na sachets ng suspected shabu na may timbang na .27 grams na nagkakahalaga ng 1,836 pesos.
Nabawi rin mula kay alyas Arman ang buy-bust money.
Nakakulong ang mga naaresto sa Police Station 5 ng General Santos City Police Office at mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 habang isasailalim naman sa forensic examination ang mga nakumpiskang ebidensiya.