Kate Dayawan | iNEWS Phils | February 28, 2022

Photo courtesy : PNP PRO-BAR
Cotabato City, Phils - Tiklo ang isang babae na kinilalang si Momena matapos na mapag-alamang nagbabayad ng pekeng pera sa mga vendor ng Public Market ng Nuro, Upi, Maguindanao noong araw ng Sabado, February 26.
Ang suspek ay residente umano ng Barangay Pagatin, Datu Salibo at bayan ng Talayan, Maguindanao.
Nakatakas naman ang dalawa pang kasamahan nito na nakilala lamang sa pangalan na alyas Baikong o Bainot na residente rin ng Talayan, Maguindanao at isang nagngangalang ‘John’, driver at residente ng Barangay Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.
Sa report mula sa hepe ng Upi Municipal Police Station, PMaj. Dareen Tolosa, nagpapanggap umanong customer ang suspek na si Momena na bibili ng mga paninda na kung saan ay pekeng pera 500 at 1,000 peso bill ang ipambabayad at saka hihingi ng sukli sa vendor.
Nakumpiska mula sa suspek ang pitong libong halaga ng pekeng pera. Tatlo dito ang 1,000 peso bill at walo ang tig-500 peso bill.
Kasong paglabag sa Article 168 ng Revised Penal Code o ang illegal possession and use of false treasury or banknotes and other instruments of credit ang kahaharaping kaso ng suspek na kasalukuyang nakapiit sa Upi MPS.
Mariin namang pinaaalahanan ng Police Regional Office BAR na mag-ingat sa mga naglipanang pekeng pera at ugaliing i-apply ang laging paalala ng Bangko Sentral Ng Pilipinas (BSP) – ang Feel-Look-Tilt method upang ma-check ang security features ng New Generation Currency (NGC) banknotes.
Pinuri naman ni PBGen. Arthur Cabalona, Regional Director ng PRO BAR, ang agarang aksyon ng mga kapulisan ng Upi MPS sa reklamo ng komunidad.
Hinihikayat naman nito ang mga komunidad na i-double check at maging mapagmasid laban sa mga nagsilipanang pekeng pera sa Bangsamoro region at agad itong ipagbigay alam sa otoridad para sa agarang aksyon.
End.