Kate Dayawan | iNEWS | December 3, 2021

Photo courtesy : 6th Infantry Division
Cotabato City, Philippines - Isang araw matapos masawi sa bakbakan ang anak ng isang sub-leader ng Dawlah Islamiya, napatay naman ang bagong Amir at lider ng Dawlah Islamiya Terrorist Group na kinilalang si Asim Karinda alyas Abu Azim matapos na makasagupa ang Joint Task Force Central sa Barangay Dabenayan, Mamasapano, Maguindanao umaga kahapon, December 2.
Bukod kay Abu Azim, nasawi rin sa bakbakan ang apat nitong miyembro.
Si Karinda ang umupong bagong Amir at lider ng teroristang grupo matapos na mapatay sa isang operasyon ang noo'y lider na si Salahudin Hassan sa Damablac, Talayan, Maguindanao noong October 29, 2021.
Si Karinda ay isang trained IED fabricator at bomb maker.
Itinurn-over naman ng JTFC ang bangkay ang limang nasawing indibidwal upang mabigyan ng disenteng libing.
Ayon naman kay MGen. Juvymax Uy, Commander ng Joint Task Force Central at 6th Infantry Division, sa nangyareng bakbakan, ipinapakita lamang nito na ang security forces ay tapat sa kanilang tungkulin na masigurong ligtas ang bawat komunidad at ang mamamayang Filipino.
Simula Enero taong 2021, mahigit tatlong daang miyembro na ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at Dawlah Islamiya ang sumuko at nagbalik-loob sa gobyerno. Mayroon ding mga violent extremist ang sumuko sa mga lokal na pamahalaan at nakabenepisyo sa AGILA-HAVEN Program ng probinsya ng Maguindanao.
Patuloy namang nanawagan ang heneral sa mga natitirang miyembro ng BIFF at Dawlah Islamiya na sumuko na rin at nakahanda ang gobyerno na tanggapin ang mga ito.