Kate Dayawan | iNEWS | October 7, 2021
Cotabato City, Philippines - Nakatakda pang pag-usapan ng Local IATF ng Zamboanga City ang rekomendasyon ng pag-upgrade sa quarantine classification ng siyudad bunsod ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19, punuan ng ospital at kakulangan sa health care workers.
Sinabi ni LIATF Chief Implementer Dr. Elmeir Apolinario ang pinal na rekomendasyon na mapagkasunduan ng grupo ay kanilang ipapasa sa Regional Inter-Agency Task Force at kalaunan ay sa National Inter-Agency TF on Emerging Infectious Diseases (NIATF-EID) para sa final decision.
Sa kasalukuyan ay isinasailalim pa rin sa General Community Quarantine ang buong lungsod ng Zamboanga na sinimulan noong October 1 at magtatapos sa October 31.
Ngunit dahil sa nakakaalarmang pagtaas ng kaso, inirekomenda ng sektor ng kalusugan na i-upgrade ang quarantine level kahit na mataas ang tsansa na babatikusin ito ng publiko at uulanin ng apila dahil sa mas mahigpit na compliance ng health and safety standards upang mapigilan na ang pagkalat ng COVID-19.
As of October 5, 2021, umabot na sa 16,470 ang kabuuang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lugar.
2,199 dito ang aktibong kaso, 13, 706 ang nakarekober na habang 752 na ang nasawi sa sakit.
