FIONA FERNANDEZ I iMINDS PHILIPPINES

Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Proclamation no. 84 na naglalagay sa mga rehiyon ng Calabarzon, Bicol, at Kanlurang Visayas, gayundin ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa state of calamity sa loob ng anim na buwan.
Ito’y matapos ang isinagawang assessment at monitoring sa lawak ng pinsala ng Severe Tropical Storm Paeng.
Ang Proclamation 84, ay magbibigay-daan sa gobyerno, gayundin sa pribadong sektor, na mapabilis ang rescue, recovery, relief, at rehabilitation efforts.
Ang paglalagay sa mga apektadong rehiyon sa ilalim ng state of calamity ay makakatulong din para matutukan ang presyo ng mga pangunahing pangangailangan at pangunahing bilihin ayon sa nakasaad dito.
Sa ilalim ng proklamasyon, ang pambansang pamahalaan at ang mga local government units (LGUs) ay bibigyan ng karapatan para gumamit ng angkop na pondo para sa rescue, recovery, relief, at rehabilitation efforts.
Titiyakin din ng Proclamation 84 ang tuluy-tuloy na pagkakaloob ng mga pangunahing serbisyo sa mga apektadong populasyon, batay sa batas.
Higit sa 1.4 milyon ng populasyon sa Rehiyon 4-A (Calabarzon), 5 (Rehiyon ng Bicol), 6 (Western Visayas) at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang naapektuhan ng Severe Tropical Storm Paeng.
Ang proklamasyon ay nagpapahintulot sa Pangulo na isama ang iba pang mga lugar sa deklarasyon ng state of calamity kung kinakailangan, na isinasaalang-alang ang patuloy na assessment ng pinsala sa mga apektadong lugar at batay sa rekomendasyon ng NDRRMC at ang mga kondisyong ibinigay ng batas at mga isyu.
End