BARMM-READI, PATULOY ANG PAMAMAHAGI NG RELIEF ASSISTANCE SA SAMPUNG BARANGAY SA GUINDULUNGAN
Kael Palapar

MAGUINDANAO - Simula hapon ng April 26, hindi pa rin humuhupa ang tubig baha sa bayan ng Guindulungan sa Maguindanao bunsod ng tuloy-tuloy na pag buhos ng ulan.
Dalawang araw ang nakalipas nang nagsagawa ng rescue operation ang Bangsamoro Rapid Emergency Action on Disaster Incidence o BARMM-READi sa pakikipagtulungan sa Guindulungan Municipal Risk Reduction and Management Office at Bureau of Fire Protection sa parehong bayan dahil rin sa matinding pagtaas ng tubig baha.
Nagmistulang ilog ngayon ang kapaligiran ng mahigit sampung barangay sa bayan na nagpahirap sa buhay ng mahigit 2,000 residente.
Dahil sa malubhang sitwasyon ng bayan, hindi tumitigil sa pag-abot ng tulong ang BARMM-READi sa pakikipagtulungan pa rin sa Philippine Red Cross Cotabato City-Maguindanao Chapter.
Araw ng Sabado nang tinungo ng BARMM-READi ang bayan upang mamahagi ng relief assistance sa mga residenteng lubha pa rin naapektuhan ng tubig baha.
Ayon kay Guindulungan Municipal Risk Reduction and Management Officer Mahmod Tulino, kabilang sa mga barangay na apektado ang mga barangay Tambunan, Muslim, Ahan, Sampao, Muti, Kalumamis, Datalpandan, Bagan, Macasampen, at Lambayao.
Lubos naman ang pasasalamat ng mga residente sa naging tulong ng BARMM-READi at Philippine Red Cross sa panahon ng sakuna.