Joy Fernandez | iNews | November 4, 2021
Cotabato City, Philippines - Kapag naging pangulo ng bansa ginagarantiya ni Senator Panfilo Lacson ang libreng basic health care para sa bawat Pilipino kapag siya ay naging Pangulo sa 2022.
Ayon sa senador, dapat maglaan ng sapat na pondo para sa ‘high-cost’ stage ng Universal Healthcare Act para masuportahan ang bawat barangay, ma-subsidize ang Philhealth Premiums para sa lahat lalo na sa indirect contributors, at sisiguraduhin ang pinakamainam na benepisyo para sa healthcare workers.
Sinabi ito ni Lacson sa kanyang talumpati sa harap ng American Chamber of Commerce of the Philippines.
Ikinalungkot ng senador kung paanong matapos ang halos 3 taon mula nang maisabatas ito noong 2019, nananatili ang Universal Healthcare Law sa “low-cost” stage na may pondo lamang na P173.5 bilyon.
Dagdag ng senador, mayroong 3 yugto sa UHC, at ang bansa ay hindi pa nakakalipat kahit sa “middle cost” na may budget na P241 bilyon.
Sinabi ng standard bearer ng Partido reporma na hindi dapat hayaang lumipas ang isa pang taon na walang sapat na pondo para sa pagpapatupad ng UHC. Gagawin itong posible ng senador sa pamamagitan ng pagtiyak na ang Universal Healthcare Act ay hindi lamang maganda sa papel kundi isang batas na talagang nagsisilbi sa layunin nito - ang magbigay ng basic health care sa bawat Pilipino.
Sa mga naunang panayam, sinabi ni Lacson na ang gobyerno ay hindi naglalaan ng sapat na pondo para sa Universal Healthcare, ngunit hindi dahil sa kakulangan ng pera. Ayon sa senador, kung gagamitin ang P448.439 bilyon na retained income mula sa off-budget accounts ng Department of Health ngayong 2021, higit pa sa sapat ang pondo.
