Kate Dayawan | iNEWS | December 16, 2021

Photo courtesy : MOH BARMM
Cotabato City, Philippines - Tumatanggap nang muli ng mga magpapabakuna kontra COVID-19 ang Cotabato Sanitarium Hospital sa Sultan Kudarat, Maguindanao.
Ito'y matapos na isagawa kahapon, December 15, ang kick-off ceremony para sa Bayanihan Bakunahan Phase II na pinangunahan ni Department of Health Undersecretary for FICTVISMIN Dr. Abdullah Dumama Jr. kasama sina Health Minister Dr. Bashary Latiph, Deputy Minister Dr. Zul Qarneyn Abas, Director General Dr. Amirel Usman, Dr. Ibrahim Pangato, ang Chief of Hospital ng Cotabato Sanitarium, Dr. Elizabeth Samama, PHO II, IPHO-Maguindanao, Sultan Kudarat LGU at Police Regional Office BAR.
Bukod sa isinagawang seremonya ay binisita rin ng mga nasabing opisyal ang mga vaccination hub ng bayan ng Sultan Kudarat, Landasan at Iranun District Hospital sa Parang, Maguindanao.
Ito ang isa sa mga stratehiya na ginagawa ng pamahalaan upang maitaas ang morale, mahikayat at ma-motivate ang mga health worker sa mga vaccination site lalo na ngayong Bayanihan Bakunahan Phase II.
Target ng National Vaccination Day rollout na maibakuna ang pitong milyong doses ng vaccine habang ang BARMM ay may daily target na 192,563 na kung susumahin ay aabot ng 577,688 target sa loob ng tatlong araw.
Puno naman ng panghihikayat ang mensahe ng dumalong opisyal na magpabakuna na kontra COVID-19 upang maabot ang target ng national government na 54 million na bakunado sa buong bansa bago matapos ang taon.
Dalangin naman ni Health Minister Latiph na sana ay wag tumama ang bagong variant ng COVID-19 na Omicron sa rehiyon ng Bangsamoro.
Umaasa naman si Deputy Minister Abas na hindi pa dito magtatapos ang pagtutulungan ng ahensya ng kalusugan at iba pa.
Nagpapasalamat naman si Director Gen. Usman sa Ministry of Social Services and Development, Ministry of Interior and Local Government at sa mga alkalde ng bayan dahil sa patuloy nitong pakikiisa upang labanan ang COVID-19.
Hinikayat naman nito ang local governments na mas paigtingin ang kanilang pagsisikap sa Bayanihan Bakunahan II.