Kate Dayawan

(Photo courtesy: 6th ID)
MAGUINDANAO - Matapos ang tatlumpo’t pitong taong paninilbihan bilang sundalo ng bansa, tuluyan nang nagretiro sa serbisyo si MGen. Juvymax Uy, Commander ng Joint Task Force Central at 6th Infantry Division, sa mismong araw ng kanyang ika-limampu’t anim na kaarawan sa isang Change of Command Ceremony na ginanap sa 6ID Grandstand, Camp Siongco, Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao noong Sabado, May 21.
Dito ay pormal na ipinasa ni MGen. Uy ang kanyang tungkulin kay Brigadier General Eduardo B Gubat PA bilang Acting Commander ng 6ID.
Ang nasabing seremonya ay dinaluhan ni Philippine Army Commanding General, Lieutenant General Romeo Brawner kasama ang mga local government officials mula sa iba’t ibang probinsya ng South Central Mindanao, mga dating commander ng division kabilang na si Medal of Valor awardee at dating Chief of Staff ng AFP na si Retired General Cirilito Sobejana, brigade commanders, battalion commnaders, PNP officials at iba pang stakeholders ng 6ID.
Bukod dito ay naging mas espesyal pa para kay MGen. Uy ang kanyang pagretiro sa serbisyo matapos na dumalo rin sa seremonya ang kanyang mga Mistah o mga kaklase mula sa PMA Class 89 at kanyang pamilya.
Ayon kay Lieutenant General Romeo Brawner, tanda umano ito ng pagiging isang respetadong sundalo ni MGen. Uy.
Samantala, kumpyansa naman umano si Uy na sa kanyang pag-alis ay mapapanatili pa rin umano ng mga naiwan ang laban para sa inaasam na pangmatagalang kapayapaan, kaunlaran at progresibong kalikasan ng bansa.
Sa loob ng mahigit tatlong dekadang serbisyo nito sa AFP, nagsilbi na si Uy bilang Internal Auditor ng AFP, naging commander ng Joint Task Force Zamboanga at Assistant Division Commander ng 6ID.
Pinuri naman ni Brawner ang hindi matatawarang serbisyo ni MGen. Uy sa AFP at maging ang napagtagumpayan ng 6ID sa ilalim ng pamumuno nito.
Hiling nito sa mga sundalo ng 6ID na ibigay rin kay acting Commander BGen. Gubat ang tiwala at suporta na ipinagkaloob ng mga it okay Uy.
“To the 6ID troopers, I would like to personally greet you for a job well done, napakaganda ng mga score ninyo, without you the 6ID will not get what we have now. To the 6ID officers and troops please give the same support that you have given to MGen. Uy to your new acting Commander BGen. Gubat” ani Brawner.