Kate Dayawan

TAWI-TAWI — Patay ang isang big time drug pusher matapos na manlaban sa inilunsad na anti-illegal drug operation ng pinagsanib na pwersa ng Bongao Municipal Police Station, 1st Special Operation Unit Maritime Group, at Marine Brigade Landing Team 12 sa Barangay Tubig Tanah, Bongao, Tawi-Tawi noong araw ng Lunes, May 16.
Kinilala ang nasawing suspek na si alyas Akmarahim. Si Akmarahim ay isang high-value target na kabilang sa watch list ng gobyerno at isa rin umanong notorious na supplier ng droga sa bayan ng Bongao.
Sa report mula sa Police Regional Office BAR, isang impormasyon umano ang natanggap ng Bongao MPS mula isang concerned citizen patungkol sa di umano’y nagaganap na bentahan ng droga sa Barangay Tubig Tanah.
Agad rumesponde ang otoridad kasama ang SOU Maritime Group at MBLT 12 sa nasabing lugar.
Matapos na magsagawa ng dokumentasyon, inventory, marking at processing sa crime scene ang Tawi-Tawi SOCO team, dinala sa ospital ang nasawing suspek at kalaunan ay itinurn-over na sa pamilya nito.
Nakumpiska mula sa pag-iingat ng suspek ang mahigit kumulang 550 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng PHP 3,740,000.00.
Bukod dito ay nakumpiska rin ang isang NORINCO Caliber .45 na may ammunition; isang Remington Caliber . 45 na may magazine at bala, isang Beretta 9mm Taurus na may magazine at bala, isang Colt M16 Rifle na may magazine at bala, isang hand grenade, isang rifle grenade, isang digital weighing scale, tatlong long M16 magazine, .45 caliber magazines at iba pang mga ebidensya.
Pinuri naman ni Police Brigadier General Arthur Cabalona, Regional Director ng PRO BAR, ang operating units at muling inihayag na determinado ang PRO BAR na puksain na ang mga small-scale at big-time drug personalities sa rehiyon ng Bangsamoro.