Kate Dayawan | iNEWS | September 21, 2021
Cotabato City, Philippines - Sa kabila ng patuloy na pagdami ng kaso ng COVID-19 sa Zamboanga City, patuloy rin ang ginagawang pagbabakuna ng lokal na pamahalaan sa mga residente nito.
Bago pa man mabakunahan ay nagsasagawa muna ng oryentasyon ang CHO patungkol sa mga maaaring maranasan matapos ang pagtanggap ng bakuna.
Base sa report ng City Health Office noong Lunes, September 13, below 1% ang bilang ng mga nakaranas ng malubhang epekto ng COVID-19 vaccine.
Sa 261,147 na mga nabakunahang indibidwal, 451 o katumbas lamang ng 0.17% ang nakaranas ng mild adverse effects matapos na mabakunahan kontra COVID-19.
Ito ay ayon kay City Health Officer Dr. Dulce Amor Miravite.
Lahat rin umano ng mga ito ay nakarekober na.
Samantala, nakapagtala naman ng 410 cases ng vaccine breakthrough infections ang CHO simula nang ilunsad ang vaccination rollout noong buwan ng Marso.
Sa kabuuan ng mga tinatawag na breakthrough infections, 178 cases dito ay iyong mga indibidwal na nakatanggap ng kanilang unang dose habang ang 232 naman ay fully-vaccinated na.
Nangyayare ang vaccine breakthrough infection kapag ang taong fully vaccinated na ay na-infect ng COVID-19.
Ayon kay Dr. Miravite, ang mga nahawaang indibidwal ay nakaranas ng mild symptoms at nakarekober na.
Lima naman ang naitalang nasawi mula sa total cases ng breakthrough infections. Dalawa sa mga ito ay fully vaccinated na habang ang tatlo ay unang dose pa lamang ang natanggap.
Patuloy namang hinihikayat ni Dr. Miravite ang publiko na magpabakuna dahil ang lahat ng mga bakuna ay epektibo.

Photo by: City Government of Zamboanga