top of page

Bomb expert ng Dawlah Islamiya, sumuko sa otoridad sa Carmen, North Cotabato

Kate Dayawan | iNEWS | December 7, 2021

Photo courtesy : 6th Infantry Division Kampilan


Cotabato City, Philippines - Tuloy-tuloy ang naging pagsuko ng mga miyembro ng mga teroristang grupo sa Joint Task Force Central.


Araw ng Linggo, December 5, sumuko ang isang miyembro ng Dawlah Islamiya na eksperto sa paggawa ng bomba sa 90th Infantry Battalion sa Carmen, North Cotabato.


Ang pagsukong ito ay kinumpirma mismo ni MGen. Juvymax Uy, Commander ng Joint Task Force Central at 6th Infantry Kampilan Division.


Ang nasabing indibidwal ay isa umano sa mga high-value targets ng security forces ngunit para sa kaligtasan ng kanyang pamilya ay minabuti ng Kampilan na hindi na isiwalat pa ang pagkakakilanlan nito.


Bitbit ng dating miyembro ng Dawlah Islamiya ang isang 7.62mm M14 Rifle na kanya mismong isinuko kay Lt. Col. Rommel Mundala, Commander ng 90IB, na kalaunan ay iprinisenta rin kay Col. Jovencio Gonzalez, Commander ng 602nd Infantry Brigade sa headquarters nito sa Camp Lucero, Carmen, Cotabato.


Samantala, sinabi ni MGen. Uy, na ang sumukong indibidwal ay iienroll sa DIWAT HAVEN Program ng North Cotabato kung saan nakatakda itong mabigyan ng livelihood packages and assistance upang makapamuhay ito ng maayos at mapayapa kasama ang kanyang pamilya.

7 views
bottom of page