iNEWS | November 26, 2021
Cotabato City, Philippines - Dagdag ng senador, mas kailangan pa ngang ayusin at dagdagan ang vessel sa lugar. Ang BRP Sierra Madre ay isang grounded vessel na nagsisilbing outpost ng Philippine Navy sa West Philippine Sea.
Ani Lacson, hindi ito ang unang beses na nanghimasok ang China sa teritoryo ng Pilipinas at exclusive economic zone sa West Philippine Sea.
Noon pang 1995, inangkin din ng China ang Panganiban (Mischief) Reef. Sinundan ito ng sigalot sa Panatag Shoal noong 2012. Ibinahagi ni Lacson na ang Panatag Shoal ay 118.79 nautical miles ang layo mula sa pinakamalapit na Philippine coastline na pasok sa 200 nautical miles at hindi maipagkakaila na mas malapit kaysa sa China.
Sa kabila ng hindi pagsunod ng China sa kasunduan na pinagitnaan ng Estados Unidos, pinatunayan ng Pilipinas na walang karapatan ang China sa lugar sa pagkakapanalo ng ating bansa sa Permanent Court of Arbitration noong 2016. Sa kabila nito, iginigiit pa rin gn China ang claim nito sa lugar na 105 nautical miles ang layo mula sa Palawan.
Sa kabilang banda, hinahanda ni Lacson ang isang Senate resolution para ipahayag ang sentimyento ng Senado na nagkukundena sa mga nakaraang aksyon ng China sa West Philippine Sea.
Hiniling din ni Lacson na maging co-author siya ng panukala ni Senate President Vicente "Tito" Sotto III na Senate Bill 2289 o "An Act Declaring the Maritime Zones under the Jurisdiction of the Republic of the Philippines."
Sa ilalim ng panukalang batas, malayang maipapakita ng Pilipinas ang soberanya nito sa katubigan, archipelagic waters at territorial sea at airspace, pati na rin ang seabed at subsoil alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea at iba pang umiiral na batas at treaties.
Ayon sa panukala, "the bill provides for the needed flexibility in the passage of subsequent laws pertinent to the rights and obligations to which the Philippines is entitled and may exercise over its maritime zones."
Binigyang diin naman muli ni Lacson ang kanyang panawagan na magkaroon ng balance of power sa rehiyon habang sinisikap ng ating bansa na makamit ang minimum credible defense posture.
Aniya, kasunod nito ang pagmomodernisa sa Armed Forces of the Philippines, ngunit kulang pa sa isang porsyento ng national budget ang ginagasta para rito habang ang mga kalapit nating bansa ay mahigit sa 2 porsyento ng kanilang badyet ang inilalaan para rito.
Sa kabilang banda, sinabi ni Lacson na bagama’t kailangan nating pangalagaan ang ating pakikipagkalakalan sa China, kailangang igiit natin ang ating karapatan at soberanya sa ating exclusive economic zone.