Kate Dayawan | iNews | January 17, 2022

Cotabato City, Philippines- Isang babala ang ipinapaabot ng Bangsamoro Sports Commission sa publiko patungkol sa mga indibidwal na nagpapanggap na mga emplyado ng kanilang tanggapan at namimigay ng pekeng job opportunities sa mga jobseeker. Ito ay matapos na mahuli ang isang inidibidwal na si Benjamin Sumampao, 26, di umano'y nagtatrabaho bilang isang Administrative Aide VI ng BSC. Dinala sa kustodiya ng pulisya ang suspek matapos itong ireport ng dalawang biktima sa Intelligence and Security Services ng Bangsamoro Government. Ayon sa isang biktima, unang nakipagkita sa kanila ang suspek sa loob ng Bangsamoro Government Center upang kolektahin umano ang kanilang mga dokumento katulad ng Personal Data Sheet at school credentials. Kwento pa ng biktima, sinabi umano ng suspek na magre-resign uto sa kanyang posisyon upang maging pulis at ang biktima umano ang ipalalit nito. Agad umanong nagtiwala ang mga biktima sa suspek dahil mayroon umano itong identification card na dala-dala ang pangalan ng BSC. Isang linggo matapos ang kanilang unang pagkikita, muling nakipagkita ang biktima sa suspek kasama ang kaibigan nito upang ibigay ang mga kulang nitong requirements. Dito na unti-unti napagtanto ng kaibigan ng biktima na imposible lahat ng sinasabe ng suspek. Agad na nagtanong-tanong sa mga tauhan ng Office of the Chief Minister ang biktima patungkol sa suspek ngunit negatibo itong kinilala ng mga personnel. Nang dumating na ang suspek, agad itong kinumpronta ng biktima tungkol sa tunay nitong affiliation nito sa Bangsamoro Government. Naging kahina-hinala umano ang mga sagot nito dahilan upang isumbong na ito ng biktima sa ISS. Negatibo ring kinilala ng BSC na kanilang emplayado ang nahuling suspek. Agosto noong nakaraang taon, isang babala rin ang inilabas ng Bangsamoro Government patungkol sa job applications na ipinapasa sa isang unofficial email ng BARMM at nanghihingi ng 5,000 pesos sa mga aplikante bilang processing fee. Hindi umano nanghihingi ng pera ang anumang tanggapan ng Bangsamoro Government sa mga jobseeker para sa kanilang aplikasyon.