Kate Dayawan

(Photo Courtesy: Global Daily Mirror)
MAGUINDANAO - Sa ikalawang pagkakataon ay pinanindigan pa rin ng COMELEC ang kanilang naunang desisyon na kanselahin ang Certificate of Candidacy ni Datu Pax Ali Sangki Mangudadatu sa pagka gubernador ng lalawigan ng Sultan Kudarat.
Ito ay base sa inilabas na COMELEC EN BANC desisyon kahapon, May 2.
Kinatigan ng poll body ang petisyon na inihain ng kalaban nito na si Sharifa Akeel Mangudadatu. Sa kanyang petisyon, sinabi ni Akeel maaaring tumakbo bilang gubernador ng lalawigan si Datu Pax Ali dahil siya ay hindi umano totoong residente ng lalawigan at kasalukuyan pa umanong alkalde ng bayan ng Datu Abdullah Sangki sa lalawigan naman ng Maguindanao.
Samantala sa kabila ng inilabas na desisyon ng COMELEC, tuloy sa pangangampanya si Datu Pax Ali Mangudadatu sa probinsya ng Sultan Kudarat.
Tuloy ang laban ayon sa isa sa mga legal consultant ng kandidato na si Atty. Cyrus Torrena.
Ani Torrena, mayroon pa umano silang limang araw upang gumawa ng hakbang nang sa ganoon ay manatili pa rin sa kanyang kandidatura si Datu Pax Ali.
Nilinaw naman ni Torrena sa isyu patungkol sa pagiging alkalde ni Datu Pax sa Datu Abdullah Sangki, sinabi naman ng abugado na ang totoong umanong isyu dito ay totoong domicile ni Datu Pax. Aniya, magkaiba ang domicile sa usaping residency…
Sinagot naman ni consultant ang pahayag ni Sharifa Akeel Mangungudatu sa kanyang Facebook post na maaari umanong makasuhan si Datu Pax Ali ng paglabag sa Section 78 ng Omnibus Election Code dahil umano sa False Material Representation nito.
Patuloy na hinihimok ngayon ni Torrena ang mga Sultan Kudaratenos na patuloy na suportahan si Datu Pax Ali Sangki Mangudadatu.
Si Datu Pax Ali Mangudadatu ay anak ng incumbent governors ng Sultan Kudarat at Maguindanao na sina Gov. Suharto “Teng” Mangudadatu at Bai Mariam Sangki Mangudadatu.
Ang kalaban naman nitong si Sharifa Akeel Mangudadatu ay asawa ni Maguindanao incumbent Congressman at tumatakbong gubernador ng lalawigan na si Esmael “Toto” Mangungudatu.