top of page

DATING MIYEMBRO NG PNP, NAHAHARAP SA MGA KASONG ATTEMPTED ROBBERY AT USURPATION OF AUTHORITY

Kate Dayawan | iNEWS Phils | March 17, 2022

Photo courtesy : PNP PRO BAR


Cotabato City, Philippines - Kulungan ang bagsak ng isang dating miyembro ng Philippine National Police matapos na mahuli ng mga operatiba sa kasong Attempted Robbery at Usurpation of Authority.


Sa report mula sa Police Regional Office BAR, habang nagpapatrolya umano ang pinagsanib na pwersa ng Cotabato City Police at LGU Ronda, kanilang naispatan ang suspek na si alyas Ahmad na 37 anyos at residente ng Malagapas Rosary Heights 10, na sinusubukan nitong buksan ang roll-up door ng My Hooman & Me Pet Shop sa Notre Dame Avenue, Poblacion 4, Cotabato City, pasado ala una ng madaling araw noong Martes, March 15.


Nahuli ang suspek matapos ang ilang minutong habulan at nakuha mula sa posesyon nito ang PNP pixelized uniform, isang set ng PNP athletic uniformat isang altered plate number na nakalagay sa loob ng pulang backpack nito.


Nang magsagawa ng beripikasyon at background investigation ang kapulisan, napag-alaman na taong 2018 nang makapasok umano sa serbisyo ng pulisya ang suspek at na-dismiss lamang dahil sa hindi nito pagkumpleto ng Field Training Program na isa sa mga pre-requisite training course ng Public Safety Basic Recruit Course ng PNP.


Napag-alaman rin na si alyas Ahmad din ang di umano’y suspek sa pagnanakaw na naganap sa Kambal Bakery sa Poblacion 1, Cotabato City taong 2021.


Agad na dinala ang suspek sa Police Station 1 ng lungsod kasama ang isang putting Nissan Almera nito na may altered plate number na LAG 5995 para sa mas malalimang imbestigasyon at pagpataw ng kasong Attempted Robbery at Usurpation of Authority.


Ipinapaalala naman ng Police Regional Office BAR sa publiko na kung sino man ang mahuhuling sibilyan o unauthorized person na sinusuot ang uniporme ng pulisya ay maaaring maharap sa Article 179 ng Revised Penal Code (RA 3815).


End.


8 views
bottom of page