Joy Fernandez | iNEWSPHILIPPINES

Patuloy ang pamamayagpag ng Pilipinas sa ibang bansa matapos makamit ni Filipino Pole Vaulter Ernest John Obiena ang gintong medalya sa Gala dei Castelli na ginanap sa Bellinzona, Switzerland.
Tinalon ni Obiena ang 5.81 metro upang masiguro ang kanyang ikaanim na gintong medalya matapos mag-kampeon din ito kamakailan sa Golden Fly Series na ginanap naman bansang Liechtenstein.
Pinataob at pumangalawa kay Obiena si World No. 2 at World Championships silver medalist Christopher Nilsen ng Amerika na nakapaglista lamang ng 5.71 metro.
Habang pumangatlo naman si Renaud Lavillenie ng bansang France.
Umaasa ngayon si Pinoy Pole Vaulter Obiena na magtutuloy-tuloy pa ang magandang takbo ng kanyang mga kumpetisyon sa 2023 season kung saan ilang malalaking torneo ang nakalinya kabilang na ang SEA Games na gaganapin sa Cambodia sa Mayo at Asian Games na gaganapin naman sa China sa Setyembre.