top of page

ELECTION PERIOD, NAG-UMPISA NA!; MGA COMELEC CHECKPOINT, INILUNSAD!

Kate Dayawan | iNews | January 10, 2022





Cotabato City, Philippines - Araw ng Linggo, January 9, 2022 opisyal nang nagsimula ang Election Period sa buong bansa at opisyal na rin na ipinatutupad ang Election Gun Ban.


Sa Cotabato City, eksaktong hatinggabi noong Linggo, personal na tinungo ni PNP BARMM Regional Director, Police Brigadier General Eden Ugale ang mga checkpoint sa syudad at tiniyak na masusing naipatutupad ang inspeksyon sa lahat ng mga dumadaan na sasakyan kasama ang Task Force Kutawato at COMELEC.


Nakasulat rin sa tarpaulin ang advisory ng PNP hinggil sa ipinaiiral na COMELEC Gun Ban.


Paalala ng PNP sa publiko na sa ilalim ng Resolution No. 10728, suspendido ang bisa ng lahat ng Permits to Carry Firearms Outside of Residence o PTCFOR na inisyu sa mga licensed firearms holders, juridical entities at miyembro ng government law enforcement agencies.


Suspendido rin ng PNP ang mga permit na inisyu upang maibyahe ang mga baril, bala, pampasabog, public firearms display and exhibits at maging ang pagkuha ng security personnel ng mga VIP.


Tanging pinapayagan lamang na makapagdala ng armas sa kasagsagan ng election period ay ang mga bonafide police, military at miyembro ng government law enforcement agencies na naka uniporme at on duty.


Samantala, bukod sa panawagan ng kooperasyon ng publiko, ipinapaalala din ng COMELEC sa mga kandidato na baklasin na ang mga tarpaulin na hindi angkop sa alituntunin ng COMELEC upang maiwasan ang election offense at disqualification.

5 views
bottom of page